Si Roco, 63, ay binawian ng buhay sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City bandang alas-9 ng umaga.
Kasalukuyang nakaburol ang labi sa chapel ng Sta. Maria dela Strada Parish Church sa La Vista, Katipunan road, Quezon City.
Iniwan ni Roco ang 6 na anak at asawang si Sonia.
Naging kapansin-pansin ang biglang pagbagsak ng katawan ni Roco noong panahon ng kampanya kaya napilitang magpagamot sa Amerika.
Siya ang unang kandidato sa pagka-pangulo na nag-concede sa nabanggit na halalan.
Si Roco na ipinanganak noong October 26, 1941 at tubong-Naga City, Camarines Sur ay naging pinakabatang youth leader at Con-Con delegate noong 1961.
Siya rin ay isa sa mga award-winning film producer na dinirehe ni Lino Brocka sa pelikulang Tinimbang Ka Ngunit Kulang na humakot ng 6 na Famas Awards noong 1974.
Malaki rin ang naitulong nito sa mga kababaihan at OFWs dahil sa pag-akda ng Nursing Act, Anti-Sexual Harassment Law, Anti-Rape Law, Child and Family Courts at Women in Nation-Building Law.
Nanungkulan din si Roco sa Department of Education (DepEd) noong 2001.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si Pangulong Arroyo at mga miyembro ng Senado at Kamara.
Isa anyang malaking kawalan sa bansa si Roco. (Ulat nina Doris Franche/Angie dela Cruz/Joy Cantos/Edwin Balasa/Malou Rongalerios/Lilia Tolentino)