Sinabi ni Abapo sa media na sa telebisyon lang pala niya matatagpuan ang taong (Zuce) matagal na niyang hinahanap na nanloko sa kanya matapos na lumabas si Zuce kamakalawa ng umaga upang sirain si Pangulong Arroyo at mga opisyal ng Comelec.
Ipinaliwanag ni Abapo na nakilala niya si Zuce sa convention ng mga mayor na miyembro ng Lakas-NUCD noong Hunyo 2001. Makalipas ang isang buwan ay nagtungo si Abapo sa Comelec at nakita niya si Zuce. Tinanong umano siya ni Zuce kung bakit siya naroon at dito ay sinabi niya na may electoral protest siya at pina-follow up niya ito sa Comelec.
Nagpahayag si Zuce na kaya niyang gawan ng paraan ang kanyang protesta na pabor sa kanya hanggang sa makipag-meet ito kasabay ng paghingi umano ng malaking halaga.
Unang binigay ni Abapo ang halagang P150,000 sa Manila Midtown; P250,000 sa Edsa Shangri-la; P50,000 sa Manila Hotel at P800,000 na mismong ang kanyang kapatid na si Neneth ang nagdala.
Dala ng kutob, minabuti ni Abapo na ihulog na lamang sa bangko ang balanse na P250,000. Ang deposit slip ay ilalabas ni Abapo sa kanyang pagsasampa ng kasong Violation of Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Sa kabila ng kanyang pagbibigay ng pera, hindi na niya nakontak si Zuce hanggang sa mapanood niya ito sa TV. (Ulat ni Doris Franche)