Sa 14-pahinang committee report no. 30 ng joint committee on urban planning, housing and resettlement, finance at local government ay wala silang nakitang overpricing o anomalya sa kontrata ng Northrail at Export Import Bank of China.
Ayon sa report, wala silang nakitang overpricing sa $503 milyong Phase 1 ng 2-way track ng Northrail project na mag-uugnay mula Caloocan hanggang Malolos, Bulacan.
Wala ding nakita ang 3 komite na anomalya sa kontrata sa pagitan ng Northrail at Eximbank gayundin sa constitutionality ng kontrata na nilagdaan ng gobyerno sa Chinese government pati ang karagdagang 1 percent na interest na ipinataw ng Department of Finance mula sa 3 percent na interest sa utang sa Eximbank na babayaran sa loob ng 25 taon. Dahil dito, inirekomenda muli ng Senado na busisiin ang mga ito ng nararapat na komite upang madetermina kung wala na talagang problema ang nasabing kontrata.
Magugunita na tinutuligsa ni Senate President Franklin Drilon ang nasabing proyekto subalit nilinaw ni Northrail president Jose Cortes Jr. na walang anomalya sa kontrata at above-board ang lahat ng transaksyon dito. (Ulat ni Rudy Andal)