Ayon kay Comelec Chairman Benjamin Abalos, hindi naisama ang pangalan ni Garcillano sa mga pinaiimbestigahan dahil sa hindi nila alam kung saan ipadadala ang liham na magmumula sa Comelec.
Aniya, blangko pa ang komisyon sa kinaroroonan ni Garcillano matapos na magtago ito sa hindi matukoy na lugar kasunod ng pagputok ng "Gloriagate CD".
May ulat na nasa London ang dating komisyuner subalit inaalam pa ito ng Comelec.
Nabatid na maliban kay Garcillano, lahat ng opisyales ng Comelec na nabanggit sa kontrobersyal na "Gloriagate tape" ay inatasang magpaliwanag at sumagot sa mga akusasyong ibinabato laban sa mga ito.
"Ang Comelec legal department ay nagpadala na ng sulat na humihiling sa lahat ng mga nabanggit sa tape na magkomento at ipaliwanag ang kanilang panig," ani Abalos.
Sinabi ni Abalos na magpapalabas ng desisyon ang Comelec en banc kung magsasagawa ng serye ng pagdinig matapos na makapagsumite ang poll officials ng kanilang sagot hinggil sa pagkakasangkot sa wiretapped tape.
Magugunita na umamin si Garcillano na nakipag-usap siya sa Pangulo habang kasagsagan ng halalan subalit itinanggi nito na minanipula nila ang resulta ng halalan upang tiyakin na makakakuha ng mahigit isang milyong lamang ang Pangulo sa kanyang katunggali na si yumaong Fernando Poe Jr. (May ulat ni Mayen Jaymalin)