Loren wagi sa Metro

Naniniwala ang mga taga-Metro Manila na si dating senador Loren Legarda at hindi si Vice Pres. Noli de Castro ang nagwagi bilang bise presidente sa halalan noong 2004, batay sa pinakahuling survey ng Ibon Foundation.

Halos isa sa bawat dalawang taga-Metro Manila o 42.64 porsiyento na tinanong ang nagsabing si Loren ang pinaniniwalaan nilang tunay na bise presidente ng bansa.

Sa 455 survey respondents, 47.9% naman ang nagpahayag ng paniniwala na si de Castro ay nandaya sa nakaraang eleksiyon.

Kapuna-puna rin na si Loren ang itinuturing ng mga na-survey na siyang "deserving" na pumalit kay Pangulong Arroyo oras na mag-resign, mapatalsik o ma-impeach siya dahil sa isyu ng pandaraya sa eleksiyon at pagkakasangkot ng pamilya nito sa maraming iskandalo tulad ng jueteng.

Ang survey ay ginawa ng Ibon Foundation mula Hulyo 20-25.

Batay pa sa survey, mayorya o 82.2% ng mga taga-MM ang nagsabing nagkaroon ng malawakang dayaan noong May 2004 election. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments