Sa16-pahinang desisyon na ipinalabas ni Hernandez, pinaalalahanan nito ang House of Representatives sa hindi pagpapatupad ng suspension kina Umali at Valencia na kapwa nahaharap sa kasong katiwalian sa Sandiganbayan.
Pinuna din sa resolusyon na sa kasalukuyang krisis pulitikal sa bansa, halos lahat ay nananawagan na igalang ang batas lalo na ang liderato ng House pero hindi naman nito sinusunod ang sinasabing Rule of Law kapag ang apektado ay ang mga kongresista.
Sina Valencia at Umali ay kinasuhan ng graft kaugnay sa pagpapalabas ng P2.5 milyong pondo habang ang una ay nanunungkulang gobernador at ang huli ay provincial administrator sa Oriental Mindoro.
Ang suspension ay ipinalabas noon pang Pebrero pero umapela ang dalawang mambabatas at sinabing tanging ang Mababang Kapulungan lamang ang may kapangyarihan na suspendihin sila. (Ulat ni Malou Rongalerios)