Inihayag kahapon ni Sr. Supt. Florante Baguio, hepe ng PNP-Anti-Ilegal Gambling Special Operation Task Force na nakatakdang ihain anumang oras mula ngayon ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao ang rekomendasyon sa pagbubuwag ng naturang number game sa tanggapan ni PCSO Chairman Sergio Valencia.
Ayon kay Baguio, nagagamit ng mga gambling lord ang resulta ng EZ-2 sa kanilang illegal na operasyon matapos ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa jueteng.
Binigyang diin pa ng opisyal na sa kasalukuyan ay walang makitang ibang paraan o solusyon ang PNP upang tuluyang mapuksa ang naturang illegal number game sa bansa kundi ang ipatigil mismo ang mga sugal na pinatatakbo ng pamahalaan na ginagamit ng mga gambling lord.
Aminado naman ang opisyal na nahihirapan ang PNP na ipagpatuloy ang kanilang operasyon laban sa illegal na sugal kung walang makukuhang tulong ang mga ito mula sa pamahalaan para tuluyang mapuksa ang illegal gambling.
Sa kabila nito, ipinagmamalaki naman ni Baguio na epektibo ang kampanya ng PNP laban sa jueteng partikular na sa bahagi ng Luzon kung saan sa loob ng anim na buwan ay nakapagsagawa sila ng kabuuang 8,499 anti-illegal gambling operation. (Ulat ni JCantos)