Ang pahayag ay kaugnay ng pagpunta kahapon sa Davao ni Ms. Roces para ikampanya ang panawagang magbitiw sa puwesto ang Pangulo.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, walang magagawa ang Malacañang kung gusto ni Roces na maglibot sa ibat-ibang dako ng bansa dahil may kalayaan ang sinuman na magsalita sa ilalim ng demokrasya.
"Wala akong nakikitang anumang liability dito so long as its done in a peaceful and orderly manner," ani Bunye.
Sinabi pa ni Bunye na hindi kinakabahan si Pangulong Arroyo sa kampanyang ginagawa ni Ms. Roces dahil palagi namang kontrolado niya ang sitwasyon sa bansa.
Sa ginanap ding press briefing kahapon, sinabi ni Bunye na walang basehan ang mga obserbasyon na ayaw nang lumabas ang Pangulo sa Palasyo para hindi malagay sa alanganin ang kanyang seguridad kaugnay ng tumitinding problema sa pulitika sa bansa.
Sinabi ni Bunye na nitong mga nakaraang linggo, hindi lumalabas ang Pangulo sa Palasyo dahil sa dami ng mga dumarating na bisita na kailangan niyang tanggapin sa Malacañang.
Kahapon din, kinansela ng Pangulo ang nakatakda niyang pagdalo sa inagurasyon ng opisina ng Fil-Chinese Business Club sa Binondo, Maynila.
Pinapunta na lang ng Pangulo si Executive Secretary Eduardo Ermita para katawanin siya sa okasyon. (Ulat ni Lilia Tolentino)