Roxas pumalag kay Drilon

Mariing pinasinungalingan kahapon si Sen. Mar Roxas ang mga kumalat na balitang kasama siya sa mga nag-alis ng suporta kay Pres. Gloria Arroyo.

Sinabi ni Sen. Roxas na bagamat siya’y orihinal na kasapi ng Liberal Party, tutol siya sa desisyon ng maliit na paksyon ng LP sa pangunguna ni Senate President Franklin Drilon na nanawagan sa pagbibitiw ng Pangulo.

Ayon kay Roxas, ang ano mang ipinaparatang sa Pangulo ay dapat patunayan sa pamamagitan ng due process at hindi ito dapat puwersahing bumitiw sa puwesto.

Dahil sa pangyayari, may mga nagsusulong na diumano ng hakbang para palitan ni Sen. Manuel Villar si Drilon bilang Senate President. Nanawagan din kay Drilon ang mga kasapi ng Philippine Council of Evangelical Churches na magbitiw siya sa pagka-Senate President upang di maapektuhan ang mga panukalang batas, lalo na yaong mga mula sa Malacañang.

Ito ay ginawa ng mga church leaders matapos magpahayag ng pagkatig sa constitutional process sa pagresolba ng krisis pulitikal sa bansa.

Ayon sa presidente ng samahan na si Bishop Fred Magbanua, mas makabubuting mag-inhibit na lang si Drilon sa tungkulin bilang pangulo ng Senado para sa maayos na pagpasa ng mga legislative measures.

Samantala, sinabi ni Roxas na "Patuloy akong sumusuporta sa administrasyon" katulad ng paninindigan ni Manila Mayor Lito Atienza na tumuligsa sa desisyon ng grupo ni Drilon.

Naniniwala si Roxas na dapat sundin ang prosesong Konstitusyonal.

"I’m dissociating myself from this move to force the President to resign," ani Roxas.

May mga sektor na nananawagan sa pagbaba sa tungkulin ng Pangulo dahil sa alegasyon ng "pandaraya sa eleksyon" na uminit sa paglabas ng kontrobersyal na "Hello Garci" tape.

Sa kabila nito naniniwala ang Catholic Bishops Conference of the Philipines (CBCP) na walang sistematikong pambansang pandaraya sa ginanap na eleksyong nasyonal bagamat nagkaroon nito sa lokal na lebel.

Ito ang nakasaad sa isang statement na ipinalabas ng CBCP noon pang Pebrero ng taong ito bilang reaksyon sa mga akusasyong talamak ang pandaraya sa nangyaring eleksyon.

Sinabi ng CBCP na batay sa mga report na natanggap ng samahan, pangkalahatang naging malinis ang halalan maliban sa ilang mga kaso ng pandaraya sa eleksyon sa local level.

Ang CBCP ay mayroong makinarya sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang i-monitor ang mga halalan. (Ulat nina Rudy Andal at Angie dela Cruz)

Show comments