Sinabi ng pamunuan ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) na magsasagawa sila ngayon ng protesta sa Welcome Rotonda kasabay ng "mass leave" ng daan-daan nilang miyembro.
Matagal na umanong napapabayaan ng administrasyon ang kapakanan ng edukasyon sanhi ng pagbulusok ng kalidad nito kada taon. Matinding sakripisyo anya ang ginagawa ng mga guro para lamang maisulong ang edukasyon. Bukod sa mababang sahod, kasama na rito ang pagtuturo ng lagpas sa kanilang oras, pagkakaroon ng higit sa 70 mag-aaral kada klase, dagdag na guro, kakulangan sa silid-aralan, mga computers, aklat, mapataas ang teknolohiya sa mga paaralan at kawalan ng mga benepisyo.
Ipapanawagan rin ng MPSTA sa kanilang mga mag-aaral na makiisa sa kanilang protesta at huwag pumasok sa kanilang mga klase para maipadama sa administrasyon ang kanilang hinaing. (Ulat ni Danilo Garcia)