Sa 2-pahinang resolusyon na ipinalabas kahapon ng SC en banc, hindi nito inaksyunan ang Very Urgent Motion to Lift TRO on R.A. 9337 ngunit binago nito ang itinakdang oral arguments sa Hulyo 14, ala-una ng hapon, sa halip na Hulyo 26.
Ibinasura rin ng SC en banc ang inihaing petisyon ni Atty. Arturo de Castro laban sa E-VAT dahil sa kawalan ng merito.
Una nang naghain ng 50-pahinang Very Urgent Motion To Lift TRO on R.A. 9337 ang DOF sa pamamagitan ni Solicitor General Alfredo Benipayo kasunod ng pagsuspinde ng 15-man tribunal sa ipinatupad na E-VAT law.
Dahil sa pagkakabasura sa naturang petisyon, tanging ang mga petisyon na lamang na isinampa ng partylist group na ABAKADA GURO, Sen. Aquilino Pimentel, Jr. at mga opposition Congressmen sa pangunguna ni Minority Floor Leader Francis Escudero at ng Association of Oil Dealers in the Philippines ang natitira sa Korte Suprema. (Ulat ni Grace dela Cruz)