Ayon kay Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo, katuwang niya ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA) sa pagbibigay ng suportang legal sa hindi pa tinukoy na pangalan ng Overseas Filipino Worker (OFW) na inaresto noong Hunyo 30, 2005 habang nasa loob ng Kuala Lumpur International Airport.
Sa inisyal na report ng DFA, sinasabing inaresto ang Pinay habang dala nito umano ang naturang malaking "volume" ng cocaine na nagkakahalaga ng 2 milyong Malaysian ringgit sa nasabing paliparan. Galing umano ang OFW sa 14 na oras na paglalakbay mula sa Johannesburg, South Africa nang arestuhin.
Dahil dito, inatasan ni Romulo si Consul Antonio Morales na subaybayan ang paglilitis sa kaso at kumuha ng magaling na abogado para ipagtanggol ang nasabing Pinay worker.
Tiniyak ng DFA,DOLE at OWWA na gagawin nila ang lahat ng legal na pamamaraan upang mailigtas sa posibleng hatol na kamatayan ang nasabing OFW.
Isa ang Malaysia sa mga mahigpit na bansa na agad na nagpapataw ng parusang bitay sa mga taong napatunayang nagdala at nagbenta ng ipinagbabawal na droga. (Mer Layson)