Ayon kina Mayor Boking Miranda ng Mabalacat, Pampanga at Romy Yusi ng Central Luzon-Philippine Chamber of Commerce Industry, Inc. (PCCII), halata umanong si Lacson ang nasa likod ng mga pagkilos ngayon ng mga nabanggit na Obispo.
Anila, ang kilalang political campaign manager ni Lacson na si Ben Barra ang nagdala ng mga kapwa niya Bikolanong sina Wilfredo Mayor, Sandra Cam, Richard Garcia at Demosthenis Vera kay Bishop Cruz upang tumestigo at ipagdiinan sa Senate jueteng inquiry na tumatanggap ng jueteng payola ang pamilya Arroyo upang magalit ang taumbayan sa gobyerno.
Si Cruz ay nakadestino sa Pangasinan pero mga taga-Bicol na pawang kaalyado ni Barra ang inilalabas na mga testigo gayung mas talamak ang jueteng sa Region 1 at Central Luzon.
Dating tauhan ni Lacson sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) si T/Sgt. Vidal Doble, ang ISAFP agent na sinasabing nag-wiretapped ng "GMA-Garci tape".
Idinagdag pa ng grupo na eksperto umano ang Senador sa wiretapping at noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada ay siya umano ang may kontrol ng sophisticated Israeli-supplied bugging devices at may kakayahan itong bumili ng ganitong paniktik laban sa mga kalaban niya sa pulitika. (Ulat ni Doris Franche)