Nagsumite ng kanilang affidavit sina Susan Sandejas-Gomez ng UP Village, Quezon City at Charito Palad ng Project 8, QC upang patunayan na hindi dapat pagkatiwalaan si Cam dahil sa umanoy ginawang panloloko sa kanila nito.
Ayon kay Gomez, nag-isyu ng P160,000 tseke si Cam bilang kabayaran sa inuupahan nitong 2 unit na apartment sa 1072 Estrada st., Malate, Maynila upang gawing tanggapan ng kanyang World Link International caregiving school.
Sinabi ni Gomez, tumalbog ang walong post dated checks na inisyu ni Cam dahilan para sampahan niya ito ng kaso.
Aniya, inilagay ni Cam ang mga tumalbog na tseke noong Agosto 2002 sa isang envelope kung saan nakalagay ang pangalan ni Cam at ang posisyon nito bilang provincial board member ng unang distrito ng Masbate.
Pero natuklasan ng Senate committees on public order and illegal drugs at games, amusement and sports na natanggal pala si Cam bilang board member noong Setyembre 2001at hindi ito tunay na nanalong board member sa unang distrito ng Masbate.
Ipinagmamalaki ni Cam sa komite na siya ay naging board member ng Masbate subalit tumagal lamang pala ng 3 buwan ang pag-upo nito dahil naiproklama ng Comelec noong Setyembre 2001 ang tunay na nanalong board member sa 1st district ng Masbate.
Ayon kay Gomez, pineke umano ni Cam ang kanyang pagkatao bilang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ng Masbate nang magpakilala ito sa kanya.
Sa panig naman ni Palad, hindi siya binayaran ni Cam ng halagang P23,000 sa kinuha nitong mga bed sheets na para daw sa kanyang caregiver school.
Bukod dito, hindi rin nagbayad si Cam sa mga ahente na ini-refer ni Palad na kinunan naman ng aircon, printers at carpet nito.
Sinabi pa ni Palad, palagi niyang pinupuntahan si Cam sa caregiving school nito pero hindi siya hinaharap bagkus ay nagtago hanggang sa magsara ang school nito at malamang nagtatago ito sa Batangas at Mindoro.
Sinundan ito ni Palad para singilin pero hindi rin siya binayaran.
Bukod sa dalawa, ginamit din umano ni Cam ang pagiging provincial board member upang makakuha ng ibat ibang kasangkapan at maging ng pagkain, kasama na ang inihaing litson sa ginanap na pagpapasinaya ng kanyang caregiver school sa Batangas City noong 2003.
Ayon kay Palad, posibleng nagtiwala ang may-ari ng Milas lechon kay Cam dahil nagpakilala itong isang opisyal ng lalawigan ng Masbate kaya pinayagan itong makautang ng isang buong litson.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa umano nagbabayad si Cam ng P7,000.
Matatandaan na tahasang sinabi ni Masbate acting election registrar Atty. Armando Ricarte, Jr. sa harap ng mga senador noong Huwebes na hindi nanalong board member si Cam.
Ayon pa kay Ricarte, binawi ng Comelec ang proklamasyon ni Cam matapos matuklasan na sobra ang naitalang botong tinanggap nito sa kanyang lugar sa Batuan, Masbate. (Ulat ni Rudy Andal)