Itoy matapos makatanggap ng report ang Southern Police District Office na ilang empleyado ng Makati City Hall ang puwersahang pinasama sa rally kahapon para hilingin ang pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
Pinangunahan ni Makati Mayor Jejomar Binay ang kilos-protesta ng tinatayang 20,000 katao na isinagawa sa area ng Central Business District (CBD) ng mga militanteng grupo at oposisyon.
Ayon sa report, inutusan umano ang ilang empleyado ng Makati City Hall Office at barangay officials na iwanan ang kani-kanilang trabaho para sumama sa pag-aaklas, na kinumpirma naman ng ilang kawani na pinasama nga sila sa rally.
Ngunit mariin namang itinanggi ng Public Information Office (PIO) ng Makati City Hall ang naturang impormasyon at wala aniyang pinalabas na kautusan si Mayor Binay na sumama sa rally ang mga ito.
Sa panig ng CSC, sa sinumang kawani ng gobyerno ay mariing pinagbabawal na iwanan ang kanilang mga trabaho para lamang sumama sa mga kilos-protesta. Maaari silang maharap sa kasong administratibo na may parusang suspension at pagkasibak sa trabaho.
Sinabi ni Director Jose Soria, ng Mamamayan Muna ng CSC, kakastiguhin nila ang mga kawaning ito kung mayroong magrereklamo sa kanilang tanggapan tulad ng mga taxpayer. (Ulat ni Lordeth Bonilla)