Ayon kay Pangasinan Rep. Generoso Tulagan, ang anumang impeachable offense ni Arroyo ay kailangan na daanin sa legal na paraan na nakasaad sa Konstitusyon at hindi dahil lamang bunga ng mga personal na galit at interes. Ipinaliwanag ni Tulagan na ang impeachment process lamang ang maaaring magbigay ng pagkakataon sa mamamayan na makuha ang tunay na demokrasya. Subalit hindi umano nangangahulugan na ang prosesong ito ang dapat na gawin ng sinuman upang mapatalsik lamang ang isang mataas na lider ng bansa.
Sinabi naman ni Palawan Rep. Antonio Alvarez na ang miyembro na ng Kongreso ang siyang magdidetermina kung sapat ang mga ebidensiya laban sa Pangulo. Kinatigan din ito ni Pasay Congw. Consuelo Dy kasabay ng pahayag na matatalino na ang mga Filipino ngayon dahil mas nais ng mga ito na lutasin ang problema ng bansa sa legal na pamamaraan.