Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, sinampahan niya ng kasong contempt si Mosqueda at si Masbate election officer Atty. Armando Ricarte matapos na makakuha siya ng sertipikasyon na ang jueteng witness na si Sandra Cam ay nanilbihan bilang Board Member ng Masbate.
Nauna ng sinabi ni Mosqueda na may certification siya galing kay Ricarte na hindi naging Board Member si Cam.
Nakadepende sa Senate committees on games amusement and sports at public order and illegal drugs na nagsasagawa ng pagdinig sa jueteng kung ano ang magiging hakbang sa pagpapakulong kay Mosqueda sa Senado.
Sinabi ni Pimentel na nakakuha sila ng certification mula sa Provincial Board of Canvassers ng Masbate ng oath of office ni Cam at ilang dokumento na may partisipasyon si Cam sa mga proyekto bilang Board Member ng nasabing lalawigan.
"Maliwanag na sinungaling si Mosqueda sa pag-present ng certification na hindi nanilbihan si Cam bilang Board Member ng Masbate," dagdag ni Pimentel.
Iginiit din ng senador na dapat ituloy ang imbestigasyon sa jueteng dahil hindi pa sapat ang kanilang mga dokumento na hinawakan at hindi pa nakakadalo ang mga taong itinuturo ng mga testigo. (Ulat ni Rudy Andal)