Witness ni Bishop naduwag

Biglang naduwag ang testigo ni Lingayen-Dagupan Bishop Oscar Cruz matapos makatanggap ng text messages sa kanyang mga kapatid at anak na pulis na itigil na ang pagtestigo sa jueteng dahil baka sibakin sila sa kanilang posisyon.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa jueteng payola, humarap kahapon sa Senado si self-confessed jueteng administrator sa Camarines Sur na si Antonio Batacan subalit bigla siyang nakatanggap ng text messages mula sa kanyang mga kapatid na pulis at isang anak na pulis kung saan ay sinasabing itigil na niya ang pagbibigay ng testimonya tungkol sa jueteng dahil baka mangahulugan ito ng pagkasibak nila sa posisyon.

Ayon kay Batacan, natatakot ang kanyang apat na kapatid at anak na pulis na baka ang mga ito ang buweltahan ng liderato ng PNP dahil sa gagawin niyang pagbubulgar sa jueteng payola scandal sa Bicol region.

Bagamat nakatanggap ng mga ganitong pagbabanta ay nagawa pa rin ni Batacan na tumestigo sa Senate committees on public order and illegal drugs at games, amusement and sports kung saan ay pinatotohanan nito ang mga naunang pahayag nina Wilfredo Mayor at Richard Garcia hinggil sa jueteng operations sa Bicol.

Nabigo ring maiharap ni Bishop Cruz ang dalawang bagong testigo gaya ng pangako nito na kanyang dadalhin sa Senado para patotohanan ang testimonya ng 3 naunang testigo na sina Sandra Cam, Mayor at Garcia ukol sa jueteng payola.

Ayon kay Cruz, hindi naman direktang umatras ang dalawang bago niyang testigo pero posibleng natakot at nag-alala sa magiging kalagayan ng kanilang mga kaanak ang mga bago niyang testigo kaya tumanggi munang humarap pero ang mga ito ay nasa kanyang custody pa rin.

Sa naging pagdinig ng Senado sa jueteng payola scam, iginiit ni Cam na sa kanyang bank account idinedeposito ang perang nagmumula sa jueteng at agad naman niyang inililipat ito sa dalawang bank accounts ni Mosqueda sa loob ng 24 oras.

Iginiit ni Mosqueda ang kanyang right to privacy at tumangging pabuksan ang kanyang bank accounts sa komite. Sinabi ni Cam na nagdeposito ito ng pera sa kanyang account na umaabot sa halagang P15 milyon hanggang P28 milyon sa loob ng 6 buwan.

Samantala, iginiit naman ni Sen. Jinggoy Estrada sa komite na padalhan ng imbitasyon ang magtiyuhing sina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Negros Occ. Rep. Iggy Arroyo matapos akusahan ang mga ito ni Cam na tumatanggap din ng jueteng money mula kay Mosqueda. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments