Dakong ala-1:40 ng hapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Tarongoy, 31, tubong Davao City lulan ng Gulf Air flight mula sa Dubai.
Kasamang dumating ni Tarongoy si Foreign Affairs Undersecretary for Special Concern Rafael Seguis at ilang opisyales ng Philippine Embassy sa Middle East bilang mga escort.
Sa kanyang pahayag, maluha-luhang pinasalamatan ni Tarongoy ang Panginoon sa pangalawa nitong buhay, gayundin ang kanyang pamilya, kaanak, ilang opisyales ng pamahalaan at mga Filipino na naghandog ng panalangin para sa kanyang kalayaan.
Nang tanungin ng media kung ano ang pinakamalubhang karanasan nitong sinapit habang bihag ng mga Iraqi ay tumanggi itong idetalye ang mapait na bahagi ng kanyang buhay.
"Hinihingi ko ang pang-unawa ninyo sa ngayon. Sana bigyan ninyo muna ako ng privacy. Ayaw ko munang balikan ang mga pangyayari," ani Tarongoy.
Kaugnay nito, pinaniniwalaan naman ng mga mamamahayag na nagtiyagang maghintay sa pagdating ni Tarongoy na "scripted" ang nangyaring press conference sa Dignitaries Lounge ng NAIA.
Anilay nagkaroon pa ng raffle upang malaman kung sino ang tatlong reporter mula sa print, tv at radio na mabibigyan ng pagkakataon na masagot ang katanungan.
Ngunit hindi pa man natatapos ang sagot ni Tarongoy sa ikalawang katanungan ay tinapos na sa loob ng 3-minuto ang press briefing at kaagad na dinala ang dating bihag na OFW sa rampa para dalhin umano sa Malacañang.
Naging madamdamin ang muling pagtatagpo ni Tarongoy at kanyang nag-aantabay na pamilya na nasa Palasyo.
Labis naman ang pagpapasalamat ni Tarongoy kay Pangulong Arroyo sa kanyang pagkakasagip at sa RP team.
Sinabi naman ni RP special envoy Roy Cimatu na walang ransom na ibinigay ang pamahalaan. (Ulat nina Butch Quejada at Ellen Fernando)