Sa isang press conference kahapon sa Sulu Hotel, Quezon City, nagbanta si Abat na hulihin na lamang siya ng mga pulis dahil wala nang makakapigil sa kanilang paglulunsad ng malawakang kilos-protesta sa nabanggit na araw.
Binigyang diin ni Abat, bagaman hindi pa niya natatanggap ang sinasabing subpoena na ibinigay sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kasong inciting to sedition, hindi siya natatakot na magpaaresto.
"Its now or never, May permit o wala, tuloy ang aming protesta," anang retiradong heneral.
Itinanggi ni Abat na nasa likod ng gagawin nilang pagkilos si dating Pangulong Ramos.
Sinabi nito na walang kinalaman sa mga ginagawa niyang aksiyon ngayon ang dating Pangulo ng bansa.
Hindi rin umano totoong pinopondohan siya nito. Ang buong katotohanan, sabi pa ni Abat, ay taumbayan na ang ayaw sa pamamalakad ni Pangulong Arroyo. (Ulat ni Angie dela Cruz)