Hinamon kahapon ni Atty. Liberato Ledesma na ilabas ni Wycoco ang sinasabi niyang gadget upang mapatunayan ang claim niya na kayang gayahin ng hi-tech equipment ang boses ni Pangulong Arroyo. "Isang panlilinlang sa bayan ang sinasabi ni Director Wycoco sapagkat ang voice print ng isang tao ay hindi maaaring ma-clone kailanman," sabi ni Ledesma. "Each persons voice print is unique and cannot be faked."
Pinayuhan ni Ledesma na kailangang itigil na ni Wycoco ang pagdepensa sa Pangulo sa isyu ng tape scandal dahil bukod sa lalo lamang nadidiin si Arroyo ay nasisira ang kanyang sariling kredibilidad sa mata ng taumbayan.
Sinabi ni Ledesma na napatunayang authentic ang mga taped conversation ni Pangulo at isang Comelec commissioner tungkol sa pandaraya sa nakaraang pagka-panguluhang halalan.
Ipinaliwanag ni Ledesma na ang taped conversation ay nasertipikahan nang authentic sa mga technologically advanced na bansa sa ibayong dagat na lubhang sopistikado ang mga surveillance at audio technology.
Isiniwalat ni Ledesma na kung mayroon mang voice software na available sa mundo ay iyong nakakapag-enhance at nakapagpapabago ng boses ng isang tao, at wala pa noong sinasabi ni Wycoco na voice cloning factory.