Natuloy na rin kahapon ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na isyu ng wiretapping kung saan humarap sa pagdinig ng limang komite sa Mababang kapulungan ng Kongreso si Bunye.
"I apologize if they (opposition) felt alluded for my remarks," ani Bunye.
Humingi rin ito ng paumanhin sa mga "ladies of opposition" dahil sa pagsasabing isang desperadong hakbang ng oposisyon ang paggamit ng kontrobersiyal na tape para magulo ang gobyerno.
Inamin din nito na hindi siya sigurado kung si Pangulong Arroyo ang boses ng babae sa tape pero sinabi nito na sigurado siyang si Arroyo ang nanalo noong 2004 presidential elections.
Pinatunayan anya ito ng nasa 100 foreign observers na bumisita sa bansa noong nakaraang halalan.
Nagkagulo naman sa labas ng session hall matapos hindi papasukin sa loob ng second gallery ang mga anti-Gloria na kinabibilangan nina Linggoy Alcuaz ng FPJ Volunteer Brigade, Rez Cortez at Atty. Bernie Luceres.
Pinigil din ang pamimigay ng CDs ng grupong Anakbayan, LFS at NUSP sa loob mismo ng session hall.
Humarap din sa komite si NBI Director Reynaldo Wycoco.
Nakatakdang ipagpatuloy ngayon ng komite ang pagdinig. (Ulat ni Malou Rongalerios)