Mariing inangalan ng mga reporters ng Senado at House of Representatives ang nasabing ulat dahil kahit isang beses ay wala ang mga itong matandaan na nagpakain ang sinumang opisyal ng Defense sa kanila.
Ang Senado ay mayroong 80 print at broadcast reporters at tv crews na nakarehistro sa Public Information and Media Relations Office samantalang 50 naman ang accredited na miyembro ng media sa Public Relations and Information Division ng Lower House.
Nagpaplano ang mga reporters na maghain ng letter protest sa COA upang hilingin na huwag tanggapin ang nasabing report ng DND at linawin kung saan napunta ang nasabing halaga na halos umabot sa kalahating milyon.
Base sa opisyal na dokumento, ang DND-OSEC ay nagbayad sa mga hindi pinangalanang caterers ng P112,453,21 para sa cocktails ng 300 guests na ginastusan ng 319 per head at meryenda na nagkakahalaga ng P71.50 para sa 50 katao.
Ang okasyon ay may petsang Oktubre 6, 2003 at nangyari noong SNDs assumption of office o pag-upo sa puwesto ng Secretary ng National Defense.
Kabilang sa listahan ng mga pinakain ang mga DND officials.
Sa isang symposium naman na may petsang Hulyo 13, 2004, nagsumite ang OSEC ng mga resibo na nagkakahalaga ng P613.25 per head para sa 350 guests kabilang ang mga DND officials, Senate-House media.
Ang pinakahuli ay cocktail noong Agosto 25, 2004 na dinaluhan daw ng nasa 300 katao at nagbayad ang DND-OSEC ng P77,745.60 para sa P188.76 per head. (Ulat ni Malou Rongalerios)