Ayon kay Sen. Pimentel, tulad ni Nixon na nagbitiw sa tungkulin noong Agosto 9, 1974 matapos maikasa ang impeachment laban sa kanya, dapat gayahin ni PGMA ito at magbitiw sa tungkulin sa darating na Agosto 9 makaraang yanigin ng kontrobersya sa jueteng at tape scandal ang kanyang pamumuno.
Iminungkahi naman ni administration Sen. Ramon Revilla Jr. sa Pangulo na gumawa ito ng mga hakbang para naman sa kapakanan ng taumbayan.
Sinabi ni Sen. Revilla, ilan taon pa ang nalalabi sa termino ng Pangulo at dapat patunayan nito sa taumbayan na ang lahat ng akusasyon laban sa kanya at mga kamag-anak ay walang katotohanan.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Rodolfo Biazon na dapat ikunsidera ng Pangulo ang naging pahayag nito noong Disyembre 2002 kung saan sinabi ni PGMA na kung siya daw ang magiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng bansa ay hindi na siya tatakbo.
Gayunman, ipinaliwanag ni Sen. Biazon na anumang hakbang ng Pangulo ay dapat naaayon at nakapaloob sa ating saligang batas. (Ulat ni Rudy Andal)