Ayon kay Gng. Arlene Doble, illegal umano ang ginawang pagdetine ni Atty. Ong sa kanyang mister na si T/Sgt. Vidal Doble ng ISAFP sa loob ng San Carlos Seminary sa Makati matapos na ibunyag ng dating opisyal ng NBI na hawak umano nito ang mother of all tapes kaugnay sa pag-uusap daw nina Pangulong Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano tungkol sa pandaraya sa May 2004 elections.
Sinabi ni Mrs. Doble, napilitan siyang lumuwas ng Maynila galing sa Kidapawan, Cotabato matapos makatanggap siya ng text mula sa kanyang mister at sinasabing magmadali siyang lumuwas dahil pinipilit siyang magsalita sa media kasama si Atty. Ong.
Batay sa text message ni Sgt. Doble sa kanyang misis, "nasa loob ako ng room 29 sa San Carlos Seminary kasama si Atty. Ong, bilisan mo dahil pinipilit nila akong magsalita sa media".
Humingi kaagad ng tulong si Mrs. Doble sa AFP at PNP para iligtas ang kanyang asawa na hostage ni Atty. Ong sa loob ng seminaryo simula noong nakaraang Biyernes.
Kaagad nagpadala ng 6 na truck ng sundalo ang AFP kasama ang PNP upang iligtas si Sgt. Doble sa loob ng seminaryo na lumikha ng tensyon sa bisinidad nito pero napalaya naman si Doble mula sa grupo ni Ong sa tulong ni Bishop Socrates Villegas kahapon.
Mariing itinanggi naman ni Ong na dinukot nila ang nasabing ISAFP agent bagkus ay kusang-loob daw itong sumama sa kanila upang ibunyag ang nalalaman umano tungkol sa illegally-wire tapped conversation nina PGMA at Comm. Garcillano tungkol sa dayaan noong nakaraang May 2004 elections.
Inamin naman ni Doble sa panayam ng ABS-CBN na siya ang kausap ni Ong sa video tape pero napilitan lamang daw siya.
Samantala, sinabi naman ni NBI director Reynaldo Wycoco na ang PNP ang lead agency sa pagsasampa ng kasong paglabag sa anti-wire tapping law at inciting to sedition laban kay Atty. Ong.
Ayon naman kay PNP spokesman Supt. Leopoldo Bataoil, nakatakda din nilang sampahan ng karagdagang kasong illegal detention si Ong batay sa reklamo ni Mrs. Doble.
Nilinaw naman ni Justice Sec. Raul Gonzales na hindi aarestuhin si Ong habang walang warrant of arrest laban dito taliwas sa mga naunang napabalita.
Nagbanta naman si Sec. Gonzales na kung patuloy na tatanggi ang pamunuan ng seminaryo na ibigay sa mga awtoridad si Ong ay sasampahan din nila ng kaso ang mga pari na nagkakanlong sa dating NBI official.
Kamakalawa ay nanawagan si Pangulong Arroyo sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-107 na Araw ng Kalayaan na itigil na ang maruming pamumulitika. (Ulat nina Joy Cantos,Lordeth Bonilla, Grace dela Cruz at Danilo Garcia)