Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, ang nasabing kaso ay isasampa sa naturang petsa upang makakuha ng arrest warrant laban kay Ong.
Aniya, ginagarantiyahan niya na hindi dadamputin ng mga operatiba ng NBI si Ong ng walang kaukulang arrest warrant laban sa kanya.
"We want to tell Mr. Ong na hindi siya aarestuhin ng NBI without arrest warrant" ani pa ni Gonzalez.
Nagpalabas din ng direktiba ang kalihim sa NBI upang patuloy nilang sundin ang legal na proseso sa pagsasampa ng kaso laban kay Ong at sa pag-aresto dito upang matiyak na hindi malalabag ang karapatan nito bilang isang akusado.
Ibinigay ng kalihim ang nabanggit na pahayag matapos na sabihin ni Ong na walang makakapagpalabas sa kanya mula sa seminaryong kanyang pinagtataguan kundi ang arrest warrant lamang na nagmula sa korte.
Samantala, sinabi din ni Gonzalez na may nakaabang pa silang ibang kaso laban kay Ong at ito ay patuloy pa nilang pinag-aaralan.
Tumanggi namang ihayag ni Gonzalez ang iba pang nasabing kaso na isasampa nila laban kay Ong.
Una ng inamin ni Ong na hawak niya ang orihinal na tape na naglalaman ng nabanggit na pag-uusap nina GMA at Comelec Commission Virgilio Garcillano tungkol sa umanoy dayaan sa katatapos na 2004 presidential elections. (Ulat ni Grace dela Cruz)