Ayon kay retired Gen. Bayani Fabic, imposibleng hindi dumaan sa security check sa Kamara ang sinumang bisita, maging ang mga empleyado ng mismong institusyon dahil tinatanong lahat ang mga ito kung saan pupunta.
Ginawa ni Fabic ang pahayag makaraang sabihin ni Cam na nagtungo ito sa Kamara upang ibigay kina Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo at Pampanga Rep. Mikey Arroyo ang umanoy pera mula sa jueteng.
Inatasan na rin ni Fabic ang mga legislative security na rebisahin ang visitors logbook sa buwan ng Disyembre 2004, ang petsang sinabi ni Cam na nagtungo siya sa gusali ng Kamara.
Inilarawan ni Fabic ang proseso ng security check sa Kamara simula sa pagpasok sa main entrance kung saan dumadaan lahat upang ipaalam sa mga nagbabantay na PNP-Regional Security Force kung saan sila pupunta at sino ang bibisitahin. Matapos ito, muling sasailalim sa security check ng legislative security ang mga bisita bago ito makapunta sa mismong tanggapan ng sinumang kongresista at maging sa tanggapan ng secretariat. Aniya, ipinatutupad ng pinaigting na seguridad sa Kamara, partikular na kung may sesyon ang mga kongresista. (Ulat ni Malou Rongalerios)