Ito ang mabigat na pahayag kahapon ni Pangulong Arroyo laban sa sariling pamilya bunsod para atasan niya ang Department of Justice (DOJ) na agad magsagawa ng "full and transparent" investigation at maghain ng kaukulang kaso laban sa kanyang asawang si First Gentleman Mike Arroyo, anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo at bayaw na si Negros Rep. Iggy Arroyo kapag napatunayan na sangkot ang mga ito sa pagtanggap ng protection money mula sa jueteng.
Ang kautusan ay kasunod ng naging pagbubunyag ng jueteng witness na si Sandra Cam na direktang tinukoy sina Mikey at Iggy na siyang inaabutan nito ng jueteng money sa mga tanggapan ng mag-tiyo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat matakot ang sinumang imbestigador o prosecutor sa pagpapatupad ng batas maging ito ay miyembro ng kanyang pamilya. "I shall stand for justice no matter who gets hurt," anang Pangulo.
Nakatakda namang magharap sa DOJ sina Mikey at Iggy at ang tinaguriang baglady na si Cam sa darating na Lunes bilang tugon at pagsunod sa kautusan ng Pangulo.
Ipinaliwanag ni Sec. Raul Gonzalez na kailangan sagutin ng mag-tiyuhin ang mga alegasyong ibinabato sa kanila ni Cam. (Ulat nina Ellen Fernando/Grace dela Cruz)