GMA, Noli resign! – Nene

Hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magbitiw na lang sa tungkulin dahil wala itong kredibilidad at moral ascendancy sa gitna na rin ng mga kontrobersyang kinakaharap nito.

Ayon kay Pimentel, ang isyu sa jueteng ay patungo sa Malacañang matapos na magbigay ng testimonya ang isang witness na umaming siya ang nag-abot ng pera kay Negros Rep. Ignacio Arroyo at pamangkin nitong si Pampanga Rep. Mikey Arroyo.

Dinagdag ng Senador na patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, patunay na walang kontrol ang pamahalaan at talamak na rin ang kriminalidad ng bansa maging ang mga mediamen at mga abogado.

Pero ibinasura ni Pimentel ang tatlong posibleng solusyon na kinabibilangan ng People Power, Rebolusyon at kudeta.

Aniya, dalawang beses ng napatunayan ang people power pero walang napatunguhang mabuti, ganoon din sa rebolusyon at military take-over.

Aniya, mas mainam kung sundin na lang ang saligang-batas na ang papalit kay Pang. Arroyo ay si Vice Pres. Noli de Castro.

Pero, hindi din daw ito maganda kasi kwestyunable nga ang pagkapanalo ng dalawa noong nakaraang halalan kaya’t mas mainam na sakaling magbitaw ang dalawa ay pumalit si Senate President Franklin Drilon at agad na magpatawag ng snap election.

Minaliit naman ni Drilon ang pahayag ni Pimentel, at sinabi nitong inaasahan niya ang ganitong sitwasyon lalo pa mula sa oposisyon.

Ganito rin ang naging pahayag ni Sen. Miriam Defensor-Santiago kung saan sinabi nito na tama ang ginawa ni Pangulong Arroyo ng atasan nito ang justice department na magsagawa ng imbestigasyon sa isyu ng jueteng.

"She cannot be punished for the crimes of others. Let us instead wait for all witnesses to be heard, and all evidence to be produced, before we draw any conclusion. To call for the President’s resignation at this time is premature," ayon sa Senadora. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments