Ayon kina Reps. Mark Cojuangco, Antonio Cuenco at Ernesto Gidaya, marapat lamang na kalampagin ang DFA para magpadala ng apela sa pamahalaan ng KSA.
Sinabi ng tatlong mambabatas, masakit para sa pamilya ng mga pinugutan nang malaman nila ang execution at mananatili umano ang pighati na nadarama nila kapag hindi ibinigay ang kanilang mga bangkay.
Una nang ibinunyag ni Maita Santiago, secreary-general ng Migrante International, ang pagkapugot sa ulo nina Sergio Aldana, Miguel Fernandez Jr., Wilfredo Bautista at Antonio Alvesa.
Itinuro ng apat na responsable sa pagpatay sa biktimang si Jaime dela Cruz.
Ibinunyag ni Santiago na noong Marso 14, 2005 na pinugutan ang apat dahil na rin sa desisyong ipinataw ng Taif Higher Court na pinagtibay naman ng Makkah Tameez Court sa Saudi. Hindi man lamang umano nakarating sa kaalaman ng media at pamilya ng mga biktima ang ginawang pagpugot.
Inihayag pa ni Santiago na ginawa ang pagpataw ng kamatayan sa kabila ng pagtanggap na ng "blood money" ng pamilyang dela Cruz at pagkakaroon na ng "amicable settlement" sa kinakaharap na kaso.
Sinasabing ipinagbili ang mga ari-arian ng pamilya ng apat para ibayad sa pamilya ng biktima gayundin ang nakolektang contributions mula sa Filipino community sa Saudi ay itinuloy pa rin ang pagpugot. (Ulat ni Mer Layson)