Ang 33-anyos na si Reyster ay nalagutan ng hininga ganap na ala-1:30 ng madaling-araw sa St. Vincent Hospital sa Los Angeles, California dahil sa heart failure dulot ng cerebral malaria na kanyang nakuha mula sa kagat ng lamok sa pag-akyat sa kabundukan ng Brgy. Signapan, Rizal, Palawan.
Una kay Reyster ay nasawi rin ang dalawa niyang nakasama na sina Christian Macadaig, 48, reporter ng DWIZ at cameraman na si Arnold Danare, 25.
Umakyat sa bundok ng Rizal sa Palawan ang tatlo, kasama ang iba pang crew ng Channel 9 para sana idokumento at ipalabas sa programang "Kasangga mo ang Langit" ang nagaganap na misteryong pagkamatay ng mga indigenous people sa nasabing lugar.
Umakyat ng bundok ang grupo ni Reyster noong Mayo 8, 2005, bumaba ng Mayo 13 at noong Mayo 20 ay isa-isa nang nilagnat at nakadama ng panginginig ng buong katawan.
Sa loob ng 24 na oras ay namatay si Macadaig sa Palawan Hospital habang si Danare ay nagtagal pa ng 48 oras sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Maynila. Samantala, si Reyster ay lumaban pa sa kamatayan ng pitong araw hanggang sumuko na rin ito kahapon dahil hindi matanggal sa kanyang katawan ang mga mikrobyo na pumasok sa kanyang dugo.
Nakatakdang iuwi sa bansa ang labi ni Reyster ngayong araw na ito at ibuburol muna at paglalamayan sa Chapel ng Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City. (Ulat ni Mer Layson)