P5-M 'ibinayad' kay Mayor

Dalawang testigo buhat sa Bicol Region ang lumutang kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan sinabi ng mga ito na tumanggap umano ng P5 milyon ang surprise witness na si Wilfredo Mayor mula sa isang senador upang lumantad laban sa jueteng.

Nagpakilala ang mga testigo na sina Rizalino Serilla, residente ng Doña Maria subd., Daraga, Albay at Nante Bodino ng San Roque, Tabaco, Albay.

Sa affidavit na isinumite ni Serilla, sinabi nito na isang senador mula sa oposisyon ang nagbigay kay Mayor ng P5 milyon para maging "whistle-blower" sa jueteng. Hindi naman nito pinangalanan ang naturang senador.

Wala umanong kaalaman si Mayor sa jueteng payola na ibinibigay niya sa ilang opisyales ng gobyerno at mga police officials dahil sa hindi naman ito totoong gambling lord.

Sa halip, si Mayor ay isa lamang fixer o "taga-kasa ng mga bangkero" kung saan nakakatanggap lamang ito ng 1% sa kita ng jueteng sa lalawigan kaya walang kakayahan ito na magbigay ng milyon-milyong payola.

Matatandaan na inihayag ni Mayor sa pagdinig sa Senado na may P90 milyon ang kita sa jueteng sa Bicol at P19.6 milyon dito ang idine-deliver sa Camp Crame bilang payola. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments