Sinisiyasat ng DOJ ang mga ulat na si Mayor ay isang drug addict.
Bukod sa drug addiction, ayon sa DOJ, may mga nakalap na din silang dokumento na si Mayor ay convicted din sa isang kasong estafa sa Bicol. "Napakababa ng kredibilidad ni Mayor upang seryosohin, inihahanda na nga din namin ang kasong libel laban sa kaniya," pahayag ng DOJ.
Si Mayor ay minsan ding nag-ambisyon sa pulitika at tumakbong mayor sa Bicol ngunit natalo.
Inamin naman ni Mayor sa kanyang testimonya sa Senate investigation na wala siyang ebidensiya upang suportahan ang kaniyang mga akusasyon na nag-lilink sa ilang personalidad sa pamahalaan.
Ayon kay Mayor, "word of honor" lamang ang kanyang tanging pinanghahawakan at wala siyang anumang dokumento o paper trail man lamang na maaaring sumuporta sa kaniyang testimonya.
"Paano ba naman ito, convicted sa estafa ang taong ito at iniimbestigahan naman ang pagiging drug addict niya, medyo kwestyonable talaga ang kredibilidad. Kaya naman talagang makakasuhan siya ng libel dahil sa mga paratang niyang ibinabato sa mga taong lubhang mahalaga at iniingatan ang mga pangalan," pahayag pa ng DOJ.
Kasabay nito, nagharap ng kasong libelo at perjury ang mga taong isinabit ni Mayor sa jueteng.
Naghain ng complaint-affidavit sina dating Pampanga Board Member Rene Maglanque, dating Minalin, Pampanga Mayor Arturo Naguit at Leon Katigbak.
Sa inihaing reklamo, pinabulaanan ng tatlong complainants ang mga pahayag ni Mayor sa Senado at pawang paninira lamang sa kanilang pangalan dahil hindi anya sila humawak ng anumang jueteng money. (Ulat ni Grace Amargo-dela Cruz)