Bahay ni Lapid niratrat

Pinaulanan ng bala ng hindi nakilalang mga lalaki ang bahay ni Sen. Lito Lapid kamakalawa ng gabi sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Sen. Lapid, chairman ng Senate committee on games, amusements and sports, bago mag-alas 12:00 ng hatinggabi ng ratratin ang gate ng kanyang bahay sa Barangay Poblacion, Porac, subalit nagkataon namang hindi nakauwi ang senador sa kanilang bahay at ang naroroon lamang ay ang kanyang mga anak kabilang si Pampanga Gov. Mark Lapid.

Narekober ng mga security ni Gov. Lapid ang mga basyo ng 9mm pistol sa harap ng gate ng bahay. Isang kotseng Zafari ang namataan na mabilis papaalis na posibleng get-away car ng mga nagpapaputok sa bahay ni Lapid.

Naunang tumanggap ng mga death threats si Lapid sa kanyang cellular phones kung saan ay pinagbabantaan ang kanyang buhay dahil sa pagtanggi na mag-inhibit sa isinasagawang jueteng probe sa Senado.

Iginiit naman ni Lapid na wala siyang balak na mag-inhibit. "Ubos na ang takot ko sa katawan kaya hindi na ako tinatablan sa mga ganitong banta sa aking buhay. Nakahanda akong mag-inhibit kapag isasalang na ang aking anak na si Gov. Mark Lapid sa imbestigasyon sa jueteng," wika ng senador.

Magugunita na noong Lunes ay nagsimula ang jueteng investigation sa Senado kung saan ay lumutang ang surprise witness ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na si Wilfredo Mayor, alyas Boy Mayor.

Idinawit ni Mayor si Pampanga Rep. Mikey Arroyo na kabilang umano sa tumatanggap ng jueteng payola para sa kanyang Baguio City jueteng operations na P600,000 kada buwan pero inamin nito na ang tumatanggap ng nasabing halaga ay isang Arthur Naguit na alyas Katoy. Bukod dito inakusahan din nito ang 3 kongresista sa Albay na tumatanggap din ng payola pero itinanggi naman ng mga mambabatas.

Inamin ni Mayor na wala siyang ebidensiya dahil hindi naman niya direktang nakakausap ang mga ito kundi ang namamagitan sa mga bagman ng mga opisyal para sa jueteng payola ay ang kanyang administrator.

Sa kabila nito, duda naman ang ilang kongresista sa nabalitang itutumba si Lapid na nasabay pa sa isyu ng jueteng sa kanyang lalawigan.

Inihalintulad ni Cibac party-list Rep. Joel Villanueva sa isang maaksiyong pelikula ang ginawang pagratrat sa bahay ni Lapid. "Sana naman hindi gimik. Parang pelikula na kasi ang lahat nang nangyayari sa ating kapaligiran," ani Villanueva. (Ulat nina Rudy Andal, Joy Cantos at Malou Rongalerios)

Show comments