Ayon kay Ricardo Martinez, chairman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region, inaprubahan nito ang pagkakaloob ng P25 wage increase sa mga manggagawa simula sa June 16.
Dahil dito, magiging P325 na ang minimum wage sa Metro Manila mula sa dating P300.
Nauna rito, nagkaloob din ng P15 wage hike sa Central Visayas at P20 na dagdag sa COLA para sa Central Luzon at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Umani naman ng pagbatikos mula sa ibat ibang sektor ang inaprubahang wage hike ng gobyerno para sa mga manggagawa kung saan ay itinuturing nilang limos lamang ito at hindi sapat para sa araw-araw na gastusin dahil na rin sa sobrang taas ng bilihin.
Ipinagtanggol naman ng Palasyo ang naging desisyon ng mga wage board dahil ibinase lamang daw naman ito sa kasalukuyang sitwasyon.
Ang hinihinging dagdag sa sahod ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay P78 na accross-the-board habang ang militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) naman ay P125 na accross the board wage increase kaya dismayado ang mga ito sa naging desisyon ng wage board. (Ulat ni EFernando)