Ipinagtataka ni Connie Bragas-Regalado ng Migrante kung bakit tahimik ang gobyerno sa nagaganap na crackdown laban sa mga Pinoy sa Saudi Arabia.
Ayon sa grupo, hindi bababa sa 1,000 OFW at hindi masabing bilang ng mga bakla na nakakalat sa buong Saudi Arabia ang nabibiktima ng raid at pambubugbog doon.
Pinahigpit ng Saudi Arabia ang security at immigration procedures sa konteksto ng war of terror ng Estados Unidos kaya naapektuhan ang mga OFWs.
Daan-daang OFWs din aniya ang stranded sa mga siyudad sa Riyadh, Jeddah at Al-Khobar. Ang mga nasabing OFWs ay tumakas umano sa kanilang mga abusadong employer kung kayat wala silang mga "igama" o work permits at pasaporte.
Karamihan din umano sa mga nasabing OFWs ay sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ng pagnanakaw, pag-inom ng alak at pagiging bakla.
Lumabas na sa ibat-ibang pahayagan sa Middle East ang paglulunsad ng raid ng Saudi government sa Riyad, Makkah, Taif at Jeddah noong Abril bilang bahagi ng kanilang nationwide anti-crime campaign.
Ayon pa sa grupo, umaabot sa 915,000 ang mga Pinoy na nagta-trabaho sa Saudi Arabia. (Ulat ni Malou Rongalerios)