Ayon kay Col. Restituto Padilla, tagapagsalita ng PAF, puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ng PAF Safety Office upang mabatid ang tunay na dahilan sa pagbagsak ng isang trainer plane sa Baguio City kamakalawa na ikinasawi ng piloto at 3 student pilot nito.
Hihintayin muna ang resulta ng imbestigasyon bago "i-commission" muli ang mga trainer plane, base na din sa kautusan ni Lt. Gen. Jose L. Reyes, commanding general ng Air Force.
Ipinaliwanag ni Padilla na ang T-41D ay isa sa mga pinakaligtas na eroplanong ginagamit ng lahat ng student pilot ng PAF at isa din ito sa may pinakakaunting record ng air crash.
Huling nagkaroon ng aksidente na kinasangkutan ng T-41D noong Marso 1999 kung saan nagkaroon ito ng engine failure. Unang ginamit ng PAF ang T-41D noong 1983.
Sinabi pa ni Padilla na isang problema ng PAF sa kasalukuyan ay ang mga lumang aircraft na kanilang ginagamit. Hirap umano ang PAF sa pagmamantine ng kanilang aircraft dahil wala ng piyesang mabili dahil out-modded na ang mga ito.
Ang pagbagsak kamakalawa ng T-41D trainer plane ay ika-pitong insidente ng air crash ngayong taon, dalawa dito ay kinasangkutan ng PAF. (Ulat ni Butch Quejada)