Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsalita si Pangulong Arroyo hinggil sa jueteng isyu kung saan ay isinasangkot ang miyembro ng Unang pamilya.
Ginawa ng Pangulo ang kanyang pahayag sa pakikipagpulong nito sa may 20 obispo at iba pang lider ng Evangelical churches matapos ang pagbubukas ng Metro Manila Franklin Graham festival sa Quezon City.
"I can assure you, I am one president that did not receive any payola," wika pa ng Pangulo sa mga obispo ng Protestant Church.
Suportado naman ng Evangelical Churches ang all-out war ni Pangulong Arroyo laban sa jueteng.
Nanindigan naman ang Pangulo na tutol pa rin ito sa legalisasyon ng jueteng bagkus ay dapat sugpuin ang ipinagbabawal na sugal na ito.
Samantala, inaasahan naman ni Sen. Manuel Villar Jr., chairman ng senate committee on public order and illegal drugs, na ang isasagawang imbestigasyon ng Senado sa susunod na linggo sa jueteng scandal ay magbibigay-daan upang linawin ang pagkakasangkot ng pangalan ng First family sa nasabing eskandalo.
Sinabi ni Sen. Villar, ito ang pagkakataon para malaman ng taumbayan kung may kinalaman o wala ang miyembro ng Unang pamilya sa nasabing jueteng scandal gaya ng sinasabi ng umanoy whistle blower.
Nagkasundo naman sina Sen. Villar at Sen. Lito Lapid, chairman ng senate committee on games, amusements and sports, na magsagawa ng joint hearing tungkol sa jueteng sa darating na May 30.
Hindi naman tumutol si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. sa naging kasunduan nina Villar at Lapid sa itinakdang petsa ng pagsisimula ng imbestigasyon sa jueteng.
Iginiit naman ni Sen. Panfilo Lacson na hindi pupuwedeng kasuhan ang mga lulutang na testigo kagaya ng sinabi ni Justice Sec. Raul Gonzales.
Sinabi ni Sen. Lacson, binibigyan ng immunity sa ilalim ng section 8 ng RA 9287 ang sinumang magboboluntaryong tumestigo.
Hindi naman sumipot ang mga hinihinalang gambling lords sa isinagawang pagdinig ng house committee on games and amusement.
Nagsumite lamang ang PNP ng listahan ng mga gambling operators at financiers ng jueteng sa komite. (Ulat nina Rudy Andal,Ellen Fernando at Malou Rongalerios)