DTI umaksiyon vs pyramid syndicates

Dahil sa patuloy na operasyon ng mga hinihinalang sangkot sa pyramiding scheme, masusi ngayong iniimbestigahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Direct Selling Association of the Philippines (DSAP) ang mga kumpanyang sangkot dito dahil sa paglabag sa Article 53 ng Consumers Act.

Bunga nito, pinag-iingat ng DTI ang publiko sa pakikipagtransaksyon sa mga kumpanyang idinadawit sa pyramiding na kinabibilangan ng First Quadrant, Legacy for Life, Yamato, Sun Global, Dermline-Diana, Rev’lation, One Gen, IGen at UCLA. Minomonitor din ang JC Spice, Mona B at Leonardo na hinihinalang nasasangkot sa pyramiding scam.

Nabatid na dinagsa ng reklamo ang nasabing ahensya hinggil sa sistemang ipinapatupad para sa business opportunites ng mga recruit ng nasabing mga ahensya. Ilan sa mga kinukuwestyon ay ang pagkuha ng isang bagong recruit ng kanya ring mga recruit bilang miyembro ng kumpanya na siyang nagbibigay sa kanila ng kita.

Nagpalabas na ang DTI at DSAP sa ilalim ng Anti-Pyramiding Information Campaign ng mga batayan sa mga nagnanais na mamuhunan bago pumasok sa isang kumpanyang direct selling. (Ellen Fernando)

Show comments