Revamp sa PNP plantsado na

Nakatakdang manumpa sa kanilang tungkulin ang mga apektado ng revamp sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa darating na Lunes sa harap ni PNP Chief Arturo Lomibao.

Nahirang bilang bagong hepe ng Office of the Director For Intelligence si Police Director Simeon Dizon Jr. kapalit ng magreretirong si P/Director Robert Delfin.

Tatayong bagong hepe ng Office of the Deputy Chief of the Directoral Staff si P/Deputy Director Avelino Razon Jr. kapalit ni P/Director General Oscar Calderon.

Uupo namang bagong hepe ng Office of the Deputy Chief For Operations ng PNP si P/Deputy Director Gen. Calderon kapalit ni P/Deputy Director Gen. Ricardo de Leon.

Hepe naman ng Office of the Deputy Chief for Administration si Gen. de Leon kapalit ni P/Deputy Director Gen. Reynaldo Velasco na magreretiro na sa tungkulin.

Bagong NCRPO Chief naman si Director Vidal Querol na dating Regional Director sa Region 9. Wala pang bagomg Director ng Region 9 sa ngayon.

Umaasa si Lomibao na bunsod ng mga pagbabago sa pamunuan ng PNP ay higit pang mapapalakas ang kampanya ng kapulisan para mapangalagaan ang kapakanan ng taongbayan at pamahalaan. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments