Napag-alaman sa rekord ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (BI-NAIA) na si Chua ay naisyuhan ng HDO noon pang Enero 3 at Enero 6 ng DOJ.
Nakaalis ng bansa noong Enero 8 si Chua papuntang USA pero bumalik ng Pilipinas matapos ang halos isang buwan.
Noong Marso 13 ay muling umalis si Chua papuntang Ho Chi Min, Vietnam at bumalik matapos ang isang buwan.
Ang kanyang huling labas ng Pilipinas ay noong Mayo 14 patungong Los Angeles, USA lulan ng PAL.
Nauna rito, si Chua ay inurirat ng mga immigration authorities sa pangunguna ni Jimmy de Guzman na siyang supervisor nang mga oras na iyon, ito ay matapos lumitaw ang kanyang pangalan sa listahan ng mga may HDO.
Nakumbinsi ang immigration authorities na hindi siya ang Benson Chua na may HDO dahil na rin sa tatak sa passport nito na dalawang beses na nga siyang nakalabas ng bansa. Sinabi ni Chua na kung may plano siyang tumakas ay hindi na siya bumalik ng Pilipinas.
Napag-alaman sa source na may mga ipinakitang mga dokumento si Chua na nakatakda siyang dumalo sa isang expo sa LA upang mag-promote ng mga produktong Pilipino.
Bukod dito, napag-alamang walang tukoy na pagkakakilanlan ang HDO na inisyu ng DOJ dahil ni walang nakasaad na middle name o araw ng kapanganakan ng Benson Chua na sinasabing drug suspek. (Ulat ni Butch Quejada)