P.75 rollback sa gasolina ipinatupad

Nag-rollback ng 75 sentimos kada litro ng kanilang produktong gasolina ang Pilipinas Shell, Caltex, Petron, Total at Seaoil kahapon bunsod sa patuloy na pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay Bobby Kanapi, spokesman ng Shell, ito ang ikalawang rollback nila o P1.75 baba ng presyo ng gasolina sa loob lamang ng isang linggo. Nananatili naman ang kanilang presyo sa iba pa nilang produktong petrolyo.

Sinabi pa ni Kanapi na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng P1 diskuwento sa mga pampublikong sasakyan. Inaasahan namang susunod sa pag-rollback ang Flying V.

Ikinatuwa naman ni Energy Undersecretary Peter Abaya ang naturang hakbang ng mga major at new players subalit hindi ito kuntento sa presyo ng rollback.

"We’re watching the downward trend if they cannot cut the prices right away, they can do it gradually like what they do when they increase the prices," wika ni Abaya. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments