Ayon sa Memorandum Order No. 14 na ipinalabas at nilagdaan ni CHED Acting Chairman Carlito Puno, ang pagtaas ng singil ng matrikula ng mga unibersidad at kolehiyo ay hindi kailangang tumaas sa 8.4 inflation rate ng bansa ang idadagdag ng isang kolehiyo at kinakailangang sumailalim muna ito sa consultation meeting ng pamunuan ng CHED upang ipaliwanag kung bakit kailangang ganoon ang kanilang gustong itaas.
Ang 8.4 porsyentong tuition fee increase ay mas mataas ng 2.2 porsyento kung ikukumpara sa 6.2 porsyento noong 2004-2005.
Napag-alaman din na sa kabuuang 1,321 mga Higher Education Institutions ngayong school year ay 203 lang o 15.37 porsyento lang ang nagpasa ng petisyon para sa tuition fee increase mas maliit kung ikukumpara sa 381 o 29 porsyento noong 2004-2005 school year.
Samantala palalawigin pa ng CHED ang kanilang student financial assistance na ang mabibiyayaan ay ang mahihirap subalit karapat-dapat na mga estudyante na kanilang kukunin bilang mga scholar.
Nais naman ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan na paimbestigahan ang planong pagtataas na matrikula ng mga kolehiyo at unibersidad gayundin ang biglang pagtataas sa presyo ng mga school supplies. (Ulat nina Edwin Balasa/Rudy Andal)