Naniniwala sina House committee on games and amusement chairman Joel Mayo Almario at committee on entrepreneurship development chairman Wilhelmino Sy-Alvarado na ang paggamit ng mga jueteng lord sa remittance system ay sumasalamin sa kung gaano kasama ang sistema ng pagbabangko sa bansa.
Ayon pa kay Almario, kahit sino ay maaaring pumasok sa negosyo ng pagpapadala ng pera sa Pilipinas ng mga OFWs, jueteng lord man kayat nararapat lamang na magkaroon ng regulasyon hinggil dito.
Ginawa ng mga kongresista ang panawagan makaraang mapaulat na pumasok na rin sa negosyong pera padala ang mga jueteng lord, kung saan gumagamit ang mga ito ng point man na siyang nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga OFWs at jueteng lord.
Batay sa ulat, ipinapasok ng point man sa bangko ang perang nakukuha mula sa mga OFWs samantalang ang perang kinita ng mga jueteng lord mula sa ilegal na sugal naman ang ibinibigay sa kamag-anak nito sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Almario na ang pagtangkilik ng mga OFWs sa negosyong pera padala ng mga jueteng lord ay isang indikasyon din na mas pinapaboran ng mga manggagawa sa ibayong-dagat na magpadala ng pera sa pamamagitan ng door-to-door sa halip na ipadaan sa bangko. (Malou Rongalerios)