Ayon kay Press Sec. at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na resignation letter ang Pangulong Arroyo mula kay Dayrit.
Sinabi ni Bunye na pawang espikulasyon lamang ang balita na nagbitiw na si Dayrit dahil wala pang opisyal na anunsyo ang Palasyo hinggil dito.
"We can only say that a Cabinet official has resigned when we have the actual resignation letter in our possession. But as of now, we dont have or see any resignation letter so it would be best if we treat this report as speculation," ani Bunye.
Sinabi ni Bunye na humahanga siya sa kalibre ni Dayrit kaya hindi kataka-takang maraming nag-alok sa kanyang serbisyo.
Si Dayrit ay ilang beses nang nahirapang pumasa sa Commission on Appointment at napaulat na nakailang ulit na nagtangkang magbitiw sa tungkulin subalit pinigilan lamang siya ng Pangulo.
Nabatid na si Dayrit na nahalal bilang isa sa mga commissioners ng 17-member World Health Organizations (WHO) Commission on Social Determinants of Health sa Cairo, Egypt ay dadalo sa isang kumperensiya ng WHO.
Itinanggi din ni Sec. Bunye ang napabalitang pagsibak kay NLRC chairman Roy Seneres dahil sa umanoy pagkakasangkot nito sa destabilization plot laban sa Arroyo government.
Aniya, nasa kamay na ng Department of Labor and Employment ang usapin kung dapat manatili sa puwesto si Seneres. (Ulat ni Ellen Fernando)