Sa ulat na tinanggap ni Col. Eduardo Oban, hepe ng A3 Philippine Air Force (PAF) Operations, alas-10:30 ng umaga kahapon ng maganap ang pagbagsak ng 7-seater single engine Cessna 207, isang private plane na may tail No. RPC-3216 at may lulang anim na pasahero, kabilang na ang piloto at co-pilot.
Kinilala ang mga nasawing sina Jimmy del Rosario, isang commercial photographer; Edgar Calvo, Jr., salesman ng Sony electronics; Jose Perez, businessman, at pilotong nakilala sa pangalang Capt. Estuesta.
Masuwerte namang nakaligtas ang mga pasaherong sina Ryan Baradas at Francis Calvo, kapwa skydivers, na kaagad na inilikas ng PAF Huey 2 chopper mula sa pinangyarihan ng sakuna at dinala sa Makati Medical Center.
Batay sa PAF report, nagsasanay ng skydiving ang mga biktima gamit ang naturang eroplano na pagmamay-ari ni Manny Baradas ng Chemtrad Aviation sa Brgy. Santur, malapit sa Baradas Airstrip nang magsimula umanong magkaroon ng engine trouble ang Cessna.
Isang residente, si Jesus Matalog, ang nakakita sa eroplano bago ito bumagsak na nagbubuga ng makapal na usok bago tumama sa isang kawad ng kuryente.
"Pupugak-pugak ang tunog (ng eroplano) nung makita ko bago siya sumabit sa kuryente at sa mga puno ng niyog," pahayag ni Matalog.
Ayon pa kay Matalog, nagawang makatalon ng dalawang nakaligtas mula sa eroplano bago ito sumabog.
Noong nakaraang Marso 5, 2005, isang piloto ng Chemtrad Corp, na nakilalang si Capt. Raymond Castillo ang iniulat na nawawala matapos na mag-crash ang pinapalipad nitong Cessna sa karagatan ng Quezon dala ang 20 kahon ng live lapu-lapu.