Ayon kay Sen. Roxas, hindi bababa sa P43 bilyon kada taon ang ginagasta para pambili ng mga infant milk, pero puwede naman daw itong maging libre kung magpapadede ang mga ina.
Bukod dito, nanawagan din ang UNICEF sa Pilipinas na kontrolin ang paggamit ng mga infant milk dahil peligroso ito sa kalusugan ng mga bata.
Ayon kay Nicholas Alpul, kinatawan ng UNICEF sa bansa, ang infant formula ay magsisilbing kamatayan sa mga bata lalo na sa Pilipinas na hindi malinis ang tubig. Gumagasta ng P650 hanggang P700 ang isang bata sa loob ng isang linggo.
Nanawagan din si Roxas sa DOH na baguhin ang kanilang konsepto na ang infant formula products ay puwedeng panghalili sa breast feeding dahil lumalabas sa pagsusuri na mas matalino at malusog ang mga sanggol na dumedede ng gatas ng ina.
Aniya, taliwas din ito sa mga advertisements na mas matalino ang mga gumagamit ng infant milk gayong wala namang siyentipikong resulta na umaayon sa ads. Ang paggamit ng infant milk sa bansa ay isa sa pinakamataas na pinagkakagastusan ng isang pamilya batay sa ulat ng National Demographic Health Survey. (Ulat ni Rudy Andal)