LTP sa Agusan nagrerehistro ng walang emission test

Hindi na sumusunod sa itinatakda ng Clean Air Act ang mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa dalawang bayan sa Agusan del Sur.

Ito ang napatunayan sa isinagawang pagbusisi ng Private Emission Testing Center Operators Association (PETCOA) sa Mindanao Region hinggil sa implementasyon ng mandatory emission test sa mga sasakyan na dapat irehistro sa LTO.

Ayon sa Petcoa Mindanao na pinamumunuan ni Antonio Yara, nagkaroon ng sting operation sa mga bayan ng Nasipit at Cabadbaran sa Agusan Province kung saan nagrerehistro ang mga LTO office dito na walang emission test certificate kapalit ng halagang P350.

Bunsod ng mga anomalya sa nabanggit na tanggapan, higit na pinalakas ng Petcoa Mindanao ang mga programang nagtataguyod at sumusuporta sa implementasyon ng Clean Air Act tulad ng data at information banking, visitation and awareness program, lobby sa mga stockholders at mga awtoridad at ang posibleng pagsasampa ng demanda sa mga tiwaling tauhan ng gobyerno at private sector.

Ipinarating na rin ng Petcoa Mindanao kay LTO Region X Director Porkawa Dia ang usaping ito subalit hindi pa rin naglalaho ang naturang katiwalian. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments