Batay sa desisyong ipinalabas ni Caloocan City Regional Trial Court Judge Oscar Barrientos, nakapagbigay ng sapat na dahilan ang petitioner na si Konsehal Nora Nubla upang mag-isyu ng preliminary injunction laban sa pag-upo ni Christopher.
Naniniwala ang korte na maaapektuhan ng pag-upo ni Christopher sa Konseho ang mga residente ng Unang Distrito ng lungsod kung saan nakatira rin si Nubla.
Ayon kay Nubla, matatagalan pa o maaring hindi na maka-upo si Christopher dahil tatalakayin pa ng korte ang buong merito na inihain niyang petisyon.
Inihain ni Nubla ang "Application for the Issuance of a Writ of Preliminary Injunction" laban sa pag-upo ni Christopher sa paniwalang nararapat na siya at ang kanyang partido ang may karapatang magnomina ng kapalit sa puwesto ni Rosca. Sinabi pa na hindi lamang sa paglabag sa Section 45 ng RA 7160 ang pagtatalaga ng Malacañang kay Christopher kundi kuwestiyonable rin ang kuwalipikasyon nito dahil hindi ito residente at rehistradong botante sa District 1.
Sa sertipikasyon na ipinalabas ng Comelec sa Caloocan, si Christopher ay hindi nakarehistro sa unang distrito at hindi rin bumoto rito noong nakaraang eleksyon. (Ulat ni Rose Tamayo)