Anila, kung tapat ang pamahalaan sa layuning ireporma ito ay dapat unahing ikalaboso si Erap.
Pinaalala nila sa publiko na apat na taon na ang nakalilipas mula nang maaresto sina Erap at ang kanyang anak na si Senador Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder, subalit wala pa ring kinahihinatnan ang kaso.
Matatandaang nabuksan sa taong bayan ang mga katiwalian ng administrasyong Estrada makaraang ibulgar ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang P500 milyong suhol na tinanggap umano ng dating pangulo mula sa jueteng lords.
Bukod dito, nailantad din sa publiko ang magagarang mansion na nakakalat sa mga exclusive village at subdivision sa bansa, kung saan dito umano itinitira ni Erap ang iba pa nitong pamilya maliban sa Unang Ginang.
Kaugnay nito, kinuwestiyon ng korte kung paanong nabili ni Erap ang nasabing mga ari-arian na nagkakahalaga ng halos P1-B samantalang P35.8 milyon lamang ang nakatalang kita nito sa kanyang Assets and Liabilities noong 1999.
Napag-alamang nabili ni Erap ang mga mansion sa loob ng unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa noong 1998 hanggang 2001.
Inisa-isa ng militant groups ang mga kaluwagang ibinigay ng gobyerno kay Erap gaya ng pagkatig sa mga kahilingan nitong makapunta sa Hong Kong upang magpa-opera ng kanyang tuhod, ang magarbong paghahanda ng kanyang magkasunod na kaarawan, ang paglabas sa kanyang villa upang madalaw ang kanyang ina at makadalo sa kaarawan nito. (Ulat ng PSN Reportorial Team)